Patay ang kilalang Al Jazeera Arabic correspondent na si Anas al-Sharif, 28-anyos, kasama ang tatlong kasamahan sa isang umano’y target na pag-atake ng puwersang Israeli sa harap ng pangunahing gate ng al-Shifa Hospital sa Gaza City nitong Linggo, ayon sa direktor ng ospital.

Kabilang sa mga nasawi ang kapwa correspondent na si Mohammed Qreiqeh, at mga cameramen na sina Ibrahim Zaher at Mohammed Noufal.

Si al-Sharif ay kilala sa malawakang pagbabalita mula sa hilagang bahagi ng Gaza. Bago ang kanyang pagkasawi, nakapag-post pa siya sa X (dating Twitter) hinggil sa matinding pambobomba ng Israel sa Gaza City, na kanyang inilarawan bilang pagragasa ng mga “fire belts” sa silangang at timog na bahagi ng lungsod. Ang huling video niya ay nagpakita ng tunog ng malalakas na pagsabog at liwanag mula sa mga missile na pumapailaw sa gabi.

Matapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang militar ng Israel na inaakusahan si al-Sharif bilang lider ng umano’y Hamas cell at utak sa mga pag-atake ng rocket laban sa mga sibilyan at tropang Israeli. Ayon pa sa kanila, may hawak silang mga dokumentong magpapatunay sa umano’y kaugnayan nito sa Hamas.

Gayunman, mariing pinabulaanan ang mga paratang na ito. Ayon kay Muhammed Shehada, analyst mula sa Euro-Mediterranean Human Rights Monitor, walang kahit anong ebidensya na mag-uugnay kay al-Sharif sa anumang armadong pakikibaka.

Ang insidente ay muling nagpasiklab ng pandaigdigang pagkabahala hinggil sa kaligtasan ng mga mamamahayag na nag-uulat mula sa mga lugar ng labanan.