Kinakaharap ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang sensitibong usapin kaugnay ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Oktubre 13.

Ito ay ang pagkakasama ng opsyong “None of the Above” o NOTA sa opisyal na balota—isang probisyong nagdudulot ngayon ng kalituhan at posibleng komplikasyon sa halalan.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, wala umanong malinaw na nakasaad sa Bangsamoro Electoral Code kung ano ang magiging epekto sakaling mas maraming boto ang makuha ng “None of the Above” kumpara sa mga kandidato.

Dahil dito, agad na ipinatawag ng poll body ang isang “extremely urgent meeting” kasama ang pitong political parties, election watchdogs, at civil society groups sa rehiyon upang talakayin ang posibleng implikasyon at maglatag ng malinaw na guidelines bago ang mismong botohan.

Nagbabala naman ang Independent Election Monitoring Center (IEMC) na maaaring humantong sa failure of elections ang sitwasyon kung hindi agad malulutas ang usapin. Panawagan pa ng grupo na linawin ng COMELEC at ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang patakaran upang maiwasan ang kaguluhan at duda mula sa mga botante.

Sa kabila nito, tiniyak ng COMELEC na tuloy na tuloy ang halalan at kasalukuyan na silang nasa 95 porsyento ng kabuuang paghahanda. Gayunman, nananatiling malaking tanong kung paano haharapin ng komisyon ang hamon ng “None of the Above” option na ngayon ay sentro ng diskusyon sa darating na eleksiyon.