Isa sa mga kinahaharap na malaking hamon ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ay kung paano mareresolba ang isyu ng pagkakabura ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng nalalapit na kauna-unahang halalang parliamentaryo sa rehiyon ngayong darating na Oktubre.

Ayon kay UBJP President at MILF Chairman Alhaj Murad Ebrahim, nananatiling “challenging” ang naturang problema, lalo na’t pitong (7) upuan sa Bangsamoro Parliament na nakatalaga sana para sa lalawigan ng Sulu ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon.

Ang mga nasabing puwesto ay wala pang malinaw na kinatawan o mekanismo upang mapunan, dulot ng naging resulta ng 2019 plebisito kung saan tumutol ang pamahalaang panlalawigan ng Sulu sa paglahok sa BARMM.

Ani Chairman Murad, hanggang sa ngayon ay wala pa silang desisyong konkretong hakbang ukol sa mga bakanteng posisyon. Isa sa mga posibilidad na nabanggit ni Ebrahim ay ang pagbabalik ng Sulu sa BARMM sa pamamagitan ng bagong proseso, o pansamantalang iwan muna ang mga puwesto na nakalaan para rito.

Gayunman, tiniyak ni Ebrahim na hindi ito magiging hadlang sa patuloy na paghahanda ng UBJP at ng buong Bangsamoro Transition Authority (BTA) para sa isasagawang parliamentary elections.

Kumpiyansa rin siyang maaaksyunan kaagad ng kasalukuyang Bangsamoro Parliament ang nasabing usapin sa lalong madaling panahon.

Ang nalalapit na halalan sa Oktubre ay itinuturing na makasaysayan, bilang ito ang unang pagkakataon na boboto ang mga mamamayan ng BARMM para sa sarili nilang mga kinatawan sa Bangsamoro Parliament—isang mahalagang hakbang patungo sa ganap at demokratikong pamahalaang Bangsamoro.