Opisyal nang inanunsyo ni multi-world jiu-jitsu champion Margarita “Meggie” Ochoa ang kanyang pagreretiro bilang miyembro ng Philippine national team.

Limang beses nang naging world champion si Ochoa sa World International Brazilian Jiu-Jitsu Federation at Abu Dhabi Jiu-Jitsu World Championships.

Kasama rin sa kanyang mga tagumpay ang gold medals mula sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games (women’s -45 kg) at 2023 Hangzhou Asian Games (women’s -49 kg), pati na rin ang ginto sa 2019 at 2023 Southeast Asian Games.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Dagupan, ibinahagi ng 34-anyos na atleta ang napakahirap na desisyong magpaalam sa international competitions bilang pambansang atleta.

Ayon kay Ochoa, nahirapan na siyang balansehin ang lahat ng aspeto ng kanyang buhay dahil sa dami ng nadagdag na commitments.

Bagama’t nagretiro na sa national team, tiniyak ni Ochoa na mananatili siya sa mundo ng jiu-jitsu bilang isang club competitor at coach.