Inaprubahan ng Pamahalaang Bangsamoro sa pamamagitan ng Bangsamoro Board of Investments o BBOI ang mga proyektong pamumuhunan na nagkakahalaga ng kabuuang ₱1.6 bilyon, bilang matibay at positibong pagsisimula ng Fiscal Year 2026.

Inanunsyo ang pag-apruba sa isinagawang unang BBOI Board Meeting ngayong taon nitong Huwebes, Enero 22, 2026.

Kabilang sa mga inaprubahang proyekto ang malawakang produksyon sa agrikultura at farm development sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, na inaasahang makalilikha ng humigit-kumulang 630 trabaho para sa mga residente sa lugar, at layong pataasin ang produksyon ng pagkain, palakasin ang food security, at magbigay ng pangmatagalang kabuhayan sa mga lokal na komunidad.

Inaprubahan rin ang mga proyekto para sa bulk water supply at water treatment facilities sa Cotabato City na inaasahang lilikha ng mahigit 120 trabaho, at magpapabuti sa suplay ng malinis at ligtas na tubig, bukod pa sa pagsuporta sa paglago ng mga residential, commercial, at mga planong industrial areas sa lungsod.

Ayon kay BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan, ang pag-apruba sa mga pamumuhunang ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Economic Jihad investment branding ng rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua at ng administrasyong #MasMatatagNaBangsamoro, na nakatuon sa paglikha ng trabaho, pagpapatibay ng mahahalagang sektor, at pag-angat ng kabuhayan ng mga Bangsamoro.

Nasaksihan rin ang pag-apruba ng mga proyekto ni Maguindanao del Norte Board Member Michael Abas Kida, na binigyang-diin ang malaking pakinabang ng mga pamumuhunang ito, lalo na ang proyektong pang-agrikultura sa Datu Odin Sinsuat, na aniya’y magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga mamamayan ng lalawigan.

Ipinapakita rin ng mga inaprubahang proyekto ang patuloy na pagtaas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa matatag, transparent, at business-friendly na kapaligiran sa BARMM.

Tiniyak naman ng BBOI ang kanilang patuloy na suporta sa mga pamumuhunang naaayon sa development agenda ng rehiyon at sa Strategic Investment Priority Plan o SIPP, habang patuloy na isinusulong ang mga proyektong pangmatagalan, inklusibo, at may mataas na epekto sa paglago ng ekonomiya at katatagan ng Bangsamoro Region.