Magkatuwang ang mga kasundaluhan at kapulisan sa isang Joint Law Enforcement Support Operation (LESO) noong ika-6 ng Marso 2026 matapos ang sunod-sunod na armadong girian sa Midsayap, Cotabato at sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM).
Isinagawa ang operasyon kasunod ng mga sagupaan sa Barangay Lomopog, Midsayap at Barangay Kadigasan sa Nabalawag, SGA-BARMM na naganap sa nakalipas na dalawang araw. Dahil dito, daan-daang sibilyan ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.

Sa ulat ng mga awtoridad, limang katao ang nasugatan habang isang 19-anyos na babaeng vendor ang nasawi sa engkwentro.
Bilang tugon, nakipag-ugnayan ang 602nd Infantry (LIBERATOR) Brigade at 33rd Infantry Battalion sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), katuwang ang mga lokal na lider at ahensya ng pamahalaan upang mapababa ang tensyon at maisulong ang mapayapang resolusyon. Naisagawa rin ang isang settlement activity bilang bahagi ng hakbang na ito.
Noong ika-5 ng Marso, naitala ang armadong sagupaan sa parehong lugar. Kaugnay nito, nagsagawa ang Midsayap Municipal Police Station, katuwang ang mga tropa ng 602nd Infantry Brigade, ng LESO upang ihain ang mga umiiral na warrant of arrest laban sa mga sangkot sa komprontasyon.
Habang isinasagawa ang operasyon, pinaputukan ng mga armadong kalalakihan mula sa loob ng isang residential compound ang mga puwersa ng pamahalaan, na nagresulta sa isang maikling palitan ng putok.
Sa clearing operations, nakarekober ang mga tropa ng labintatlong matataas na kalibre ng armas, kabilang ang M14 rifles, 81mm mortar, K3 machine gun, M16 rifles, M4 rifle, Garand rifle, mga rifle grenade rounds, at hand fragmentation grenades. Narekober din ang mga bandolier, magasin, at iba’t ibang bala at pampasabog.
Patuloy namang minomonitor ng mga kasundaluhan at kapulisan ang sitwasyon habang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at peace mechanisms upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan at maiwasan ang paglala ng tensyon.
Ayon kay Brigadier General Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Infantry Brigade:
“Patuloy ang pakikipagtulungan ng militar sa Philippine National Police, MILF peace mechanisms, at mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan sa komunidad. Nananawagan kami sa lahat ng panig na pairalin ang diyalogo at mapayapang pagresolba sa anumang alitan upang maiwasan ang karagdagang pinsala, lalo na sa mga inosenteng sibilyan.”


















