Pinayuhan ang mga residente sa Jordan na huwag munang lumabas ng bahay at manatili sa loob ng kanilang tahanan matapos ang sunod-sunod na sirena na narinig sa iba’t ibang bahagi ng bansa—hudyat ng posibleng banta bunsod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Bombo International Correspondent Ma. Sarah Doce na kasalukuyang nasa Amman, Jordan, sinabi nitong bahagi ito ng safety protocol ng pamahalaang Jordanian upang maprotektahan ang mga residente sakaling madamay ang bansa sa palitan ng opensiba ng dalawang magkalabang bansa.

Ayon sa ulat, lumala ang tensyon matapos umanong maglunsad ang Israel ng airstrikes laban sa mga pasilidad na konektado sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, bilang tugon sa mga naunang drone at missile attacks na iniuugnay sa Iran at sa mga kaalyadong grupo nito sa rehiyon gaya ng Hezbollah at Houthi rebels.

Bilang resulta, nagbabala ang Iran na handa itong gumanti at ipagtanggol ang kanilang soberanya laban sa anumang paglabag, kasabay ng paninindigang tutugunan nila ang anumang agresyon mula sa Israel. Ilang malalapit na bansa sa Middle East gaya ng Jordan, Lebanon at Syria ang nakararanas ngayon ng heightened alert status dahil sa banta ng missile fallout at regional spillover ng alitan.

Samantala, nananawagan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Jordan sa pamahalaang Pilipinas na bigyan sila ng kaukulang tulong, partikular na ang repatriation o pagpapauwi, sa takot na maipit sa gitna ng kaguluhan. Anila, patuloy nilang sinusubaybayan ang mga update mula sa Philippine Embassy at umaasang may agarang aksyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad sa Jordan at iba pang karatig-bansa ang sitwasyon, habang naka-heightened alert na rin ang mga embahada upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayang dayuhan sa rehiyon.