Isang kadete mula sa Philippine Military Academy (PMA) ang muling nagbigay ng karangalan sa bansa matapos magtapos nang may pinakamataas na parangal sa Republic of Korea Military Academy (ROKMA) sa ilalim ng Foreign Program for Cadet Training Initiative (FPCTI).
Si Army-bound Cadet 1CL Guidson T. Domingo, orihinal na miyembro ng PMA “Bagong Sinag” Class of 2024 at tubong Kabacan, North Cotabato, ay nagtapos ng Bachelor of Science in International Relations sa ROKMA.
Sa kanyang pagtatapos, tinanggap niya ang tatlong pangunahing pagkilala, ang Star Cadet Award bilang pagkilala sa kanyang pangkalahatang kahusayan bilang 1st Class cadet; ang Outstanding Foreign Cadet Award bilang pinakamahusay na dayuhang kadete sa larangan ng akademya, pisikal na kahandaan, pagsasanay, pamumuno, disiplina, at kahusayan sa wikang Koreano, at ang Republic of Korea Army Comradeship Award para sa natatanging pagpapamalas ng pagkakaisa at mahusay na pakikipagtulungan.
Ikalawang pagkakataon nang iginawad kay Domingo ang Star Cadet Award, matapos siyang maging kauna-unahang Pilipino na tumanggap nito sa ROKMA.
Noong 2025, nagwagi rin siya ng ikalawang gantimpala sa Korean Speaking Contest ng Kyungrip Changwon National University, patunay sa kanyang kahusayan sa wikang Koreano at kakayahang makibagay sa internasyonal na kapaligiran.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, inaasahang sasapi si Cadet Domingo sa Philippine Army, dala ang mataas na antas ng pagsasanay at malawak na karanasang internasyonal.
Ang kanyang tagumpay ay itinuturing na patunay na kayang makipagsabayan ng mga kadete ng PMA sa mga pandaigdigang akademyang militar, habang buong dangal na kinakatawan ang akademya, ang Armed Forces of the Philippines, at ang sambayanang Pilipino.

















