Nagtapos ang Ramadan program ng Bangsamoro Youth Commission sa pamamagitan ng isang grand Iftar na dinaluhan ng iba’t ibang youth organizations sa Cotabato City kahapon, Marso 17.
Dumalo sa aktibidad ang mga kabataan kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan bilang bahagi ng patuloy na pakikipag-ugnayan at pagpapalakas sa sektor ng kabataan sa rehiyon.
Binigyang-diin ni BYC Chairperson Nasserudin Dunding ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programang Islamiko bilang bahagi ng mga nakamit ng Bangsamoro.
Hinimok din niya ang mga kabataan na magtatag at magparehistro ng kanilang mga organisasyon upang mapalakas ang kolaborasyon at aktibong partisipasyon sa pamahalaan.
Samantala, sa hiwalay na talakayan, tinalakay ni Ustadh Faisal Dacungan ang mga hamon na kinakaharap ng Muslim Ummah at ang kahalagahan ng pagpapatibay ng pananampalataya.
Ibinahagi naman ni Sheikh Bukhari Yahya Camama ang kahalagahan ng Qur’an bilang gabay ng sangkatauhan sa gitna ng iba’t ibang pagsubok.
Nagpaalala rin si Bangsamoro Wāli Sheikh Muslim Guiamaden sa mga kabataan na paigtingin ang pagsamba sa nalalabing araw ng Ramadan.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga dumalong opisyal ng pamahalaan sa mga programang nakatuon sa kabataan.
Bahagi ang naturang aktibidad ng patuloy na inisyatiba ng komisyon upang palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa mga gawaing panlipunan at pangrelihiyon sa Bangsamoro.

















