Pinangunahan ni Bangsamoro Youth Commission (BYC) Chairperson Nasserudin Dunding ang pagbubukas ng kauna-unahang Sangguniang Kabataan (SK) Regional Congress nitong Sabado sa Cotabato City.
Kasabay ng tatlong araw na pagtitipon, opisyal ding inilunsad ang flagship program ng BYC na “TinDIG SK: Transforming Initiatives, Developing Institutions for Moral Governance.”
Dumalo sa aktibidad ang mahigit 90 delegates mula sa iba’t ibang panig ng BARMM, layuning palakasin ang pamumuno ng kabataan at isulong ang Moral Governance sa mga SK institutions.
Ayon sa BYC, layunin ng kongreso na pahusayin ang kolaborasyon sa youth governance sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga SK officials, Local Youth Development Officers (LYDOs), at iba pang kabataan para sa mga learning sessions na nakatuon sa maayos na pagpapatupad ng mga programa sa lokal na antas.
Sa ikatlong araw ng kongreso, nakipagpulong naman si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa mga kabataang lider mula sa iba’t ibang SK institutions.
Tampok sa talakayan ang mahalagang papel ng kabataan sa pagbuo ng inklusibo at progresibong komunidad, na naglalarawan ng diwa ng kolaborasyon at pagpapalakas ng kabataan sa rehiyon.
Ang nasabing programa at kongreso ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng BYC na hubugin ang mga kabataang lider sa BARMM at itaguyod ang transparency at responsableng pamamahala sa lokal na antas.

















