Mariing tinutulan ng grupong Bangsamoro Youth for Moral Governance (BYMG) ang pamumuno nina Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr. at Special Assistant to the President Antonio Lagdameo dahil umano sa kanilang pakikialam sa pamamahala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa inilabas na pahayag, iginiit ng grupo na nanganganib ang pag-asa ng mga Bangsamoro bunsod ng pakikisawsaw ng dalawang opisyal, na anila’y nagdudulot ng pagkakanya-kanya at nakasasama sa kasalukuyang proseso ng kapayapaan.

Isa sa mga tinukoy ng grupo ang umano’y pag-alis sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng kanilang karapatan at legal na mayorya sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament—isang hakbang na tinawag nilang tuwirang pag-atake sa mismong plano para sa kapayapaan.

Dagdag pa ng BYMG, napako na ang ilang pangako ng pamahalaan, kabilang ang maayos na transisyon ng mga na-decommission na kombatante. Dahil dito, napilitan ang MILF na isuspinde ang proseso ng pagde-decommission sa mga natitirang mandirigma at armas.

Nagbabala rin ang grupo na ang mga anyo ng pagtataksil at dobleng pamamalakad ay mag-iiwan ng maling halimbawa sa susunod na henerasyon—na maaaring makita ang kapayapaan bilang marupok at madaling masira.

Ayon pa sa grupo, dahil sa umano’y pagkompromiso nina Galvez at Lagdameo, malalagay sa alanganin ang hangarin ng administrasyong Marcos na mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.

Sa huli, nanawagan ang BYMG sa dalawang opisyal na magbitiw na lamang sa kanilang tungkulin at huwag nang makialam pa sa BARMM upang maibalik ang tiwala ng Bangsamoro sa pamahalaan.