Nag-courtesy call sa tanggapan ng pamahalaang lokal ng Upi, Maguindanao del Norte ang isang kabataang nagbigay ng karangalan sa bayan, si Nathan Wayne Fontanilla Ariston, nitong Miyerkules, Hunyo 30.

Sa ginanap na espesyal na sesyon ng 19th Sangguniang Bayan, ginawaran ng pagkilala at parangal si Ariston bilang isang “Upi at Bangsamoro Pride” dahil sa kanyang mga natamong tagumpay sa larangan ng akademya. Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang mga naging karanasan bilang isang mag-aaral—mula sa simpleng simula hanggang sa pagtatapos sa isa sa mga pinakakilalang unibersidad sa buong mundo.

“Not by ability but by availability,” ang binigyang-diin ni Ariston, kasabay ng pagbabahagi kung paano siya nagpursigi sa kabila ng mga hamon.

Nagtapos si Nathan bilang Cum Laude sa kursong BS Physics at BS Mathematics sa Yale University, isa sa Ivy League schools sa Estados Unidos. Bukod sa kanyang mataas na karangalan, ginawaran din siya ng Howard L. Schultz Prize bilang pagkilala sa kanyang kahusayan, pagkamalikhain, at husay sa larangan ng experimental physics.

Samantala, nakatakda namang lumipad si Ariston patungong New York City sa susunod na buwan ng Agosto upang simulan ang kanyang Doctor of Philosophy (PhD) sa Columbia University, isa ring prestihiyosong pamantasan sa Amerika.