Patuloy na nararanasan ng Cotabato City ang kakulangan sa suplay ng tubig habang naghahanap pa rin ng konkretong solusyon mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at Metro Cotabato Water District (MCWD).

Kamakailan ay nagsagawa ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City kasama ang Board of Directors ng MCWD upang talakayin ang posibleng dagdag na suplay ng tubig na susuporta sa lumalaking pangangailangan ng lungsod.

Bagamat nais nang isakatuparan ang proyekto ng JICA sa tulong ng MCWD, isang malaking hadlang ang pagbayad ng Value Added Tax (VAT) na kinakailangan para sa proyekto. Ayon sa MCWD, mahirap matustusan ang malaking halaga ng buwis na ito, kaya’t lumapit sila sa lokal na pamahalaan para humingi ng tulong sa pag-aayos ng isyu.

Ani Mayor Bruce Matabalao, seryoso ang kanilang tanggapan sa paghahanap ng paraan upang matugunan ang problemang ito dahil sa mabilis na paglobo ng populasyon at tumataas na pangangailangan ng tubig sa Cotabato City.

Hanggang ngayon ay patuloy ang pag-aaral at koordinasyon ng mga sangkot na ahensya upang maipatupad ang proyekto at maiwasan ang patuloy na kakulangan sa tubig sa lungsod.