Isang nakakagimbal na krimen ang nadiskubre matapos matagpuan ang mga buto ng tao sa isang septic tank sa Tagum City, Davao del Norte.

Natuklasan ang kalansay nang magsagawa ng paglilinis ang ilang trabahador, na agad humantong sa imbestigasyon ng mga otoridad.

Ayon sa pulisya, kinumpirma ng pamilya na ang mga labi ay pagmamay-ari ni Queenie Grace Arong, isang 17-taong-gulang na dalagang idineklarang nawawala noon pang 2020.

Batay sa ulat, noong Marso 2020, isang lalaki ang lumapit kay Queenie at inalok siya ng pagkakataong maging modelo para sa isang pictorial.

Pumayag ang dalaga at nagtungo upang pumirma ng kontrata, ngunit simula noon ay hindi na siya muling nakauwi.

Sa loob ng septic tank, natagpuan ang ilang gamit na pag-aari ng biktima, kabilang ang isang relo, camera, at medyas. Napansin din ang presensya ng isang lubid, na maaaring ginamit upang igapos ang dalaga bago siya tuluyang pinaslang.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap sa pangunahing suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Ayon sa mga awtoridad, may posibilidad na hinalay muna ang biktima bago siya pinatay at itinapon sa posonegro upang pagtakpan ang krimen.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon, at nananawagan ang pamilya ni Queenie para sa hustisya sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay.