Iginiit ng kampo ni Nabalawag SGA, BARMM Mayor Datu Renz Tukuran na sila ang unang inatake sa nangyaring tensyon sa brgy. Lumubog, Midsayap, North Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Sajed M. Mamalampay, Information Officer ng alkalde, sinabi nitong hindi umano nagpaputok ang kampo ng mayor laban sa kabilang grupo.

Ayon kay Mamalampay, malinaw na utos umano ng alkalde sa kanyang mga tauhan na huwag lumaban o magpaputok, kundi umatras upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

Dagdag pa nito, ginawa umano ito ng alkalde bilang paggalang sa umiiral na peace process sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front na pinangungunahan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua.

Gayunman, sinabi ng opisyal na may naunang ceasefire agreement na sa pagitan ng dalawang panig, ngunit makalipas umano ang lima hanggang anim na oras ay muling nagkaroon ng putukan mula sa kabilang kampo.

Gayunpaman, hindi muna nito pinangalanan ang mga responsable sa naturang insidente.

Sa ngayon, tumanggi rin ang opisyal na ibunyag ang kinaroroonan at kalagayan ng alkalde dahil umano sa seguridad nito.

Samantala, tiniyak ng kampo ng mayor na nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng lokal na pamahalaan habang tinutugunan ang epekto ng kaguluhan.

Ayon sa kanilang datos, nasa 4,892 na pamilya o humigit-kumulang 25,000 na mga indibidwal mula sa apat na barangay—Damatulan, Kadigasan, Ulandang at Kudarangan—ang naapektuhan ng insidente.

Mariin din nilang pinabulaanan ang kumakalat na ulat na umano’y “at large” o pinaghahanap ang alkalde at nahaharap sa maraming kaso.

Apela naman ng kampo ng alkalde sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng patas na imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari.