Sugatan ang isang kandidato sa pagka-Provincial Board Member at ang kaniyang driver matapos silang tambangan sa bahagi ng Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Mohammad Utti Omar, alyas Datu Baba Omar, residente ng South Upi, habang ang kaniyang driver ay si Abel Buisan na mula sa bayan ng Buluan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kagagaling lamang ng mga biktima sa isang proclamation rally sa bayan ng Datu Piang at pauwi na sakay ng isang itim na Toyota Innova nang mangyari ang insidente.
Habang binabaybay ang kahabaan ng national highway, bigla na lamang silang pinaputukan gamit ang M16 armalite rifle ng hindi pa nakikilalang mga salarin.
Masuwerte namang hindi malubha ang tinamong mga sugat nina Omar at Buisan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police hinggil sa insidente, habang nagsasagawa na rin ng hot-pursuit operations ang mga awtoridad upang matunton ang mga responsable sa pananambang.