Binaril ang isang kandidato sa pagka-Board Member ng Unang Distrito ng Davao del Norte habang pauwi sa kanilang tahanan sa Delfina Village, Barangay Magugpo North, Tagum City nitong Martes ng gabi, Abril 29, 2025.

Kinilala ng Tagum City Police ang biktima na si Audrie Perez, 43 taong gulang, may asawa, at kasalukuyang Executive Assistant ni Congressman Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay si Perez ng motorsiklo at habang dumaraan malapit sa Mormon Chapel ay pinaputukan siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek. Ilang beses siyang tinamaan ng bala.

Agad siyang isinugod sa Tagum Doctors Hospital at kasalukuyang nasa ligtas na kalagayan.

Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang limang basyo ng bala ng .45 caliber na baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo sa likod ng pamamaril.