Patay matapos barilin kahapon ng umaga si Tantangan South Cotabato Vice Mayoralty Candidate Jose Osorio alyas Bobot. Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang pobreng biktima at nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala na posibleng ginamit sa biktima.

Naghain sa pagkabise alkalde ng nabanggit na bayan ang dating kapitan na si Osorio para sa darating na halalan sa susunod na taon sa ilalim ng grupo ni Former Mayor Benjamin Figueroa.

Samantala, isang milyong piso naman ang alok na pabuya ni South Cotabato Second District Congressman Dr. Peter Bascon Miguel sa makakapagturo o makakapangnguso ng responsable sa pumaslang sa kanyang kaalyado na si Osorio.

Ayon kay Miguel, masakit sa kanya ang naturang pagpatay kay Osorio dahil loyal niya itong kaalyado at tagasunod. Nabigla at nalungkot aniya ito sabay bitiw ng pangako na mapapanagot nito ang kunsino man ang pumaslang sa naturang kandidato.