Nanawagan si PBGen Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office–Bangsamoro (PRO BAR), sa publiko na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa kapulisan at kasundaluhan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad sa Bangsamoro.

Ayon kay De Guzman, patuloy na ginagawa ng mga awtoridad ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, kasabay ng mas pinaigting na operasyon laban sa kriminalidad.

Binigyang-diin din ng opisyal na malaking tulong ang aktibong pagre-report ng mga residente hinggil sa mga kahina-hinalang aktibidad, presensya ng mga kahina-hinalang indibidwal, at mga insidenteng may kaugnayan sa ilegal na droga, dahil ang impormasyong mula sa komunidad ang nagsisilbing gabay ng mga awtoridad upang agad na makakilos.

Dagdag pa ni De Guzman, ang pagsugpo sa krimen ay hindi lamang responsibilidad ng pulisya at militar kundi pananagutan ng buong komunidad, dahil ang epekto ng kriminalidad ay maaaring maramdaman hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa pangmatagalan.

Tiniyak naman ng PRO BAR na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon, at muling nanawagan sa publiko na magkaisa at magtulungan upang mapanatili ang isang ligtas at mapayapang Bangsamoro.