Nanawagan si Presidential Peace Adviser Sec. Carlito G. Galvez, Jr. sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na manatiling nagkakaisa at huwag hayaang masira ang kapayapaan dahil sa mga hidwaan sa loob ng kanilang hanay
Ayon kay Galvez sa kanyang pahayag nitong Setyembre 8, 2025, ang pagkakawatak-watak ng MILF ay hindi makakabuti sa sinuman at maaaring magdulot ng panganib sa tagumpay na nakamit ng Bangsamoro peace process
Ipinaalala niya na malayo na ang narating ng usaping pangkapayapaan dahil sa matibay na ugnayan ng pamahalaan at MILF mula sa negosasyon hanggang sa kasalukuyang pagpapatupad. Subalit binalaan din niya na anumang pagkakahati sa liderato ay maaaring makasira sa mas malawak na layunin ng kapayapaan
Kaugnay nito, pinuri ni Galvez ang matagumpay na BIAF Peace Rally noong Setyembre 6 na nilahukan ng tinatayang 100,000 katao. Aniya, malinaw na ipinakita ng MILF ang kanilang kahandaan at kakayahang resolbahin ang suliraning panloob sa mapayapang paraan
Nanawagan din siya sa mga nakasama sa mahabang negosasyon ng kapayapaan na patuloy na gamitin ang kanilang impluwensya upang tulungan ang MILF na malampasan ang mga pagkakaiba.
“Ngayon higit kailanman, kailangan ang sama-samang pagtutulungan para mapangalagaan ang kapayapaang pinaghirapan nating lahat,” ani Galvez.
Tiniyak naman niya na mananatiling payapa ang kalagayan sa BARMM kung ipagpapatuloy ang dayalogo at mapayapang pagresolba ng mga isyu, dala ng tapat na hangarin na pangalagaan ang mga naabot ng kapayapaan.