Nakaligtas sa pamamaril si Barangay Captain Abdurasad M. Alawi ng Barangay Parangbasak, kasama ang kanyang anak, matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga suspek sa Lamitan City, Basilan.
Ayon sa inisyal na ulat, naganap ang insidente sa harap ng isang tindahan kung saan nakatayo ang mag-ama nang bigla silang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang suspek bago mabilis na tumakas.
Walang naiulat na nasugatan sa insidente, ngunit nagdulot ito ng matinding pagkabahala sa mga residente sa lugar.
Agad na rumesponde ang Lamitan City Police Station sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Elmer Solon, na agad nagsara sa lugar ng insidente at sinimulan ang imbestigasyon.
Samantala, nagsimula na ang manhunt operation ng PNP katuwang ang AFP at iba pang ahensiya ng gobyerno upang matukoy at madakip ang mga responsable sa pamamaril.