Isa umanong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang binaril sa Barangay Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur noong Biyernes, Mayo 30, pasado alas-9 ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Mahdi Eskak, na mas kilala sa alyas na “Supremo.” Siya umano ay nagsisilbing Battalion Commander ng National Guard at Task Force Itihad.

Batay sa salaysay ng mga nakasaksi, nagpapahinga lamang ang biktima sa silong ng kanyang bahay nang lapitan at walang habas na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, partikular na ng kapulisan, upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril at kung sino ang nasa likod ng krimen.