Isinagawa kahapon, Lunes, Hunyo 9, 2025, sa lungsod ng Cotabato ang makasaysayang Grand Kanduli at Ceremonial Signing ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bangsamoro Indigenous Peoples Act (BIPA) na pinangunahan ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA).

Photo credits to Bangsamoro Government

Layon ng IRR na itaguyod ang mga mekanismo para sa mas maayos na pamumuhay ng mga katutubo sa Bangsamoro region, kabilang ang pagbibigay ng batayang serbisyo, pangangalaga sa seguridad, at iba pang mahahalagang aspeto ng pamumuhay. Kinikilala rin dito ang bisa ng tradisyonal na batas, paniniwala, at kaugalian ng mga katutubo sa pagresolba ng mga sigalot sa loob ng kanilang komunidad.

Photo credits to Bangsamoro Government

Ang nasabing dokumento ay sumusuporta sa ganap na implementasyon ng BIPA o Bangsamoro Autonomy Act No. 64 (BAA No. 64), na naglalayong kilalanin at isulong ang makabuluhang partisipasyon ng mga katutubo sa mga prosesong may direktang epekto sa kanilang mga karapatan at kabuhayan.