Umabot na sa 56 ang kabuuang kaso ng monkeypox sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM mula Mayo 5 hanggang Hunyo 13, 2025. Ito ang nakasaad sa pinakahuling ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Ministry of Health – BARMM.
Sa nasabing bilang, 41 ang suspected cases, 7 ang probable, at 8 ang kumpirmadong kaso. Wala namang naiulat na panibagong suspected case nitong Biyernes, Hunyo 13.
Samantala, 14 sa kabuuang mga kasong iniulat ay nagnegatibo na sa monkeypox test. Sa kasalukuyan, 36 porsyento ang positivity rate ng rehiyon para sa monkeypox.
Ayon sa RESU, ang Cotabato City ang may pinakamaraming kaso na may 23 suspected, 2 probable, at 2 kumpirmadong kaso. Sa Maguindanao del Sur ay may siyam na suspected, dalawang probable, at tatlong confirmed cases. Sa Maguindanao del Norte naman ay may pitong suspected, tatlong probable, at tatlong kumpirmado. Sa lungsod ng Lamitan, dalawang suspected case ang naitala ngunit walang probable o confirmed case.
Sa kabuuan, 16 na pasyente ang gumaling na mula sa monkeypox. Pitong nakarekober sa Maguindanao del Norte, apat sa Maguindanao del Sur, at lima sa Cotabato City. Isang hinihinalang pagkamatay ang iniulat sa Cotabato City na may kaugnayan sa monkeypox.
Nagpaalala naman ang Ministry of Health na bagama’t nakakahawa ang monkeypox, ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang kalinisan, pag-iwas sa may sintomas, at maagap na pagpapatingin sa doktor sakaling makaranas ng lagnat, rashes, pananakit ng katawan, o iba pang kahalintulad na sintomas.