Kinumpirma ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Cotabato Province ngayong Abril 25, 2025 ang isang kaso ng monkeypox (Clade 2), batay sa ulat mula sa Department of Health – Center for Health Development SOCCSKSARGEN.
Ayon sa ulat, isang 30-anyos na lalaki mula sa bayan ng Tulunan ang nagpositibo sa naturang sakit.
Agad na naabisuhan ang pasyente simula nang matukoy ang sakit at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan habang naka-isolate. Maaga rin siyang nagpakonsulta at aktibong nakikipagtulungan sa isinasagawang contact tracing ng lokal na pamahalaan.
Naitala na ang lahat ng close contacts ng pasyente at isinailalim na sila sa quarantine.
Sa ngayon, wala sa mga ito ang nagpapakita ng anumang sintomas ng monkeypox. Nananatiling alerto ang mga Municipal at Provincial Health Offices upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Pinayuhan din ang mamamayan na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at patuloy na alamin ang mga wastong paraan ng pag-iwas sa mga nakahahawang sakit tulad ng monkeypox.
Ang monkeypox ay isang viral illness na dulot ng monkeypox virus. Noong 2022, nagsimula ang pandaigdigang pagkalat ng Clade 2 na uri ng monkeypox.
Ang Clade 2 ay mas banayad kumpara sa Clade 1, at higit 99% ng mga tinatamaan nito ay gumagaling.
Kabilang sa mga pangunahing sintomas ng monkeypox ang lagnat na sinusundan ng mga pantal sa balat o sugat sa bibig at katawan, karaniwang lumalabas makalipas ang isa hanggang tatlong araw. Maari ring makaranas ng namamagang kulani, pananakit ng lalamunan, sakit ng kalamnan at likod, pananakit ng ulo, at matinding pagkapagod.
Maaaring makahawa ang monkeypox sa pamamagitan ng direktang kontak sa balat o sugat ng taong may sakit, tulad ng pakikipag-usap, halikan, hawakan, yakapan, pakikipagtalik, o paglanghap ng respiratory secretions. Maaari rin itong maipasa sa pamamagitan ng kontaminadong gamit tulad ng kumot, damit, at iba pang personal na kagamitan.
Upang makaiwas sa monkeypox, mahalagang sundin ang tamang respiratory etiquette gaya ng pagtatakip ng ilong at bibig kapag umuubo o bumabahing. Ugaliin ang pagsusuot ng face mask sa mataong lugar o kung may nararamdamang sintomas. Panatilihing maaliwalas ang kapaligiran, palaging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o alcohol-based hand sanitizer, at iwasan ang pakikisalamuha sa mga taong may sintomas ng sakit.
Magbibigay pa ng karagdagang impormasyon ang IPHO Cotabato sa mga susunod na araw.