Isang kaso ng monkeypox (Mpox) ang kinumpirma sa bayan ng Tulunan, Cotabato kahapon Abril 25, 2025, ayon sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) at Provincial Government of Cotabato.

Isang 30-anyos na lalaki mula sa Tulunan ang nagpositibo. Agad siyang naabisuhan, naka-isolate na ngayon, at nasa maayos na kondisyon. Sumailalim na rin sa quarantine ang lahat ng kaniyang close contacts, na wala namang sintomas sa kasalukuyan.

Patuloy ang contact tracing at pagbabantay ng mga health office para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Pinayuhan ang publiko na manatiling kalmado at sumunod sa mga paalala tulad ng tamang ubo at bahing etiquette, madalas na paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa may sintomas ng karamdaman.