Magiging malaking hamon ang kakaharaping kaso ni Cotabato City Councilor Hunyn Abu matapos siyang sampahan ng reklamo ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao.
Ang mga alegasyon ay kaugnay ng diumano’y pagsisinungaling, maling asal, at kapabayaan sa tungkulin noong nakaraang taon.
Oktubre 21, 2024, nang matanggap ng opisina ng Tanodbayan (Ombudsman) sa Davao City ang reklamo ng alkalde laban kay Abu.
Nag-ugat ang reklamo mula sa diumano’y maling impormasyon na ibinigay ng konsehal tungkol sa kanyang pagdalo sa isang aktibidad ng Philippine Councilors League (PCL).
Ayon sa pahayag ni Abu, dumalo siya sa nasabing aktibidad, kaya hindi siya nakapunta sa unang regular na sesyon ng konseho at sa State of the City Address (SOCA) ni Mayor Matabalao noong Hunyo 18, 2023.
Gayunpaman, nang suriin ng opisina ng alkalde ang tala ng PCL, wala ang pangalan ni Abu sa listahan ng mga dumalo sa aktibidad na ginanap sa Boracay Island.
Ayon kay Mayor Matabalao, mahalaga ang presensya ng mga opisyal sa mahahalagang okasyon tulad ng SOCA, bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa mga mamamayan ng lungsod.
Idiniin din niya na dapat magsilbing babala ang insidenteng ito sa mga opisyal na nagkukulang sa kanilang responsibilidad o ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling interes.
Hinihintay pa ang susunod na hakbang mula sa Ombudsman kaugnay ng kasong ito.