Pinangunahan ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, ang isinagawang Barangay Visitation and Dialogue sa Barangay Fukol, bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur.

Layunin ng naturang aktibidad na ilatag ang mga inklusibong programa ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa mga kapatid na mula sa tribong Teduray ng Barangay Ahan at Barangay Datalpandan sa bayan ng Guindulungan. Sentro ng talakayan ang mga proyektong pangkapayapaan at pangkaunlaran gaya ng farm-to-market road, reforestation, livelihood programs, at usapin ng peace and order sa lugar.

Dumalo sa dayalogo sina Lt. Col. Robert Betita, Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion; Lt. Col. Udgie Villan, Executive Officer ng 601st Brigade; Shiek Bashir Abdulbayan, Camp Coordinator ng Camp Badr; Azzedin Ibrahim mula sa OPAPRU; Omar Bayao ng MILF-CCCH; Mayor Datu Guiadzali Midtimbang ng Guindulungan; MP Froilyn Mendoza at MP Tawakal Midtimbang ng BTA-BARMM.

Kabilang din sa mga natalakay ang seguridad ng lugar. Tiniyak ng 601st Infantry Brigade na patuloy nilang poprotektahan ang kapayapaan at kaligtasan ng mga sibilyan sa pakikipag-ugnayan sa MILF-CCCH at sa mismong komunidad.

Mula sa panig ng OPAPRU, ipinahayag ni Azzedin Ibrahim ang mga programang nakatuon sa pangmatagalang kabuhayan ng mga komunidad, kaagapay ang iba pang ahensya ng BARMM at pambansang pamahalaan, bilang bahagi ng Camp Transformation Program.

Samantala, inilahad ni Shiek Bashir Abdulbayan ang patuloy na pamamahagi ng mga fruit-bearing trees sa tulong ng MAFAR, upang maging dagdag-kabuhayan ng mga Teduray sa hinaharap.

Binigyang-diin naman ni Mayor Guiadzali Midtimbang ang kahalagahan ng mga kalsadang ikinokonekta ang mga komunidad upang mapadali ang transportasyon at makapaghatid ng kaginhawahan sa mga residente.

Ipinahayag ni MP Froilyn Mendoza ang buong suporta ng kanyang tanggapan para sa mga programang pangkabuhayan, habang iginiit ni dating MIPA Minister at ngayo’y Cooperative Chairman ng Maguindanao del Sur na si Melanio Ulama ang suporta sa mga kooperatiba sa lugar. Hinikayat din niya ang mga ito na magparehistro upang makinabang sa tulong mula sa pamahalaan nang walang dagdag na gastos.

Nagpasalamat naman si MP Tawakal Midtimbang sa kasundaluhan, MILF-CCCH, at mga ahensya ng pamahalaan na tumulong sa pakikinig sa panawagan ng mga residente. Nangako rin siya ng buong suporta para sa mabilis na pagpapatupad ng mga proyekto sa barangay.

Kasabay ng dayalogo, isinagawa rin ang isang medical outreach program katuwang ng 1st Mechanized Infantry Battalion at ilang ahensya ng lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang libreng tuli, gupit, at pamamahagi ng gamot at bigas mula sa opisina ni MP Tawakal Midtimbang, na nakinabang ang tinatayang higit 300 residente mula sa Barangay Fukol at mga karatig-barangay ng Guindulungan.

Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Brig. Gen. Edgar L. Catu ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang suporta ng militar sa mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng BARMM at pambansang pamahalaan. Aniya, sa pamamagitan ng mga dayalogo, mas napag-uusapan ang mga hindi pagkakaunawaan at natutugunan ang mga suliranin ng komunidad tungo sa mas matatag na kapayapaan.