Pinasalamatan at pinuri ng 6th Infantry Kampilan Division ang katapangan, katatagan, at propesyonalismo ng mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, inihayag ni Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, ang kanilang paghanga sa dedikasyon ng COMELEC personnel lalo na sa Maguindanao del Norte at del Sur, sa kabila ng ilang naitalang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Ayon kay Orbon, ang ipinakitang kisig at tapang ng mga opisyal ay patunay ng kanilang pagiging tunay na lingkod-bayan, at nawa’y maging modelo sa iba pang COMELEC officers sa buong rehiyon.
Inaasahan aniya ng militar na mapanatili ang ganitong antas ng propesyonalismo at katapatan hanggang sa pagdaraos ng unang Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Oktubre.