Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ng isang Katutubong Tëduray mula sa Maguindanao del Norte matapos niyang makamit ang Top 1 sa Scout Ranger Course (SRC) Class 227-2025, na kinikilala bilang isa sa pinakamahigpit at pinaka-mapanghamong pagsasanay sa Armed Forces of the Philippines.

Si Pvt. Rogie Q. Ariston (Inf) PA, ay nakakuha ng general average na 90.24%, nanguna sa batch na binubuo ng 137 na estudyante.

Ang natamong karangalan ay patunay ng determinasyon, disiplina, at kahusayan ni Pvt. Ariston sa isa sa pinaka-prestihiyosong kurso ng Philippine Army.

Bilang pagkilala sa kanyang tagumpay, ipinagkaloob sa kanya ang prestihiyosong “Scout Ranger Replica” award ng Headquarters, First Scout Ranger Regiment, SOCOM, Philippine Army noong Pebrero 25, 2026 sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan.

Ayon sa Philippine Army, ang tagumpay ni Pvt. Ariston ay hindi lamang simbolo ng kanyang dedikasyon at dangal sa serbisyo, kundi naging inspirasyon din sa buong pamayanang Tëduray, na ipinagmamalaki ang kanyang natatanging accomplishment sa isa sa pinaka-mapanghamong pagsasanay ng Armed Forces.