Isang inspirasyon ngayon sa mga katutubong pamayanan ang kabataang si Nathan Wayne Ariston, isang Teduray mula sa bayan ng Upi, Maguindanao del Norte, matapos niyang magtapos bilang Cum Laude sa prestihiyosong Yale University sa Estados Unidos.

Natapos ni Ariston ang kursong Bachelor of Science in Physics and Mathematics, taglay ang karangalang cum laude. Siya rin ang kauna-unahang graduate ng Philippine Science High School – Central Mindanao Campus (PSHS-CMC) na naging iskolar at nagtapos sa Yale.

Si Nathan Wayne ay anak ng isang magsasaka at pampublikong guro, at nagtapos ng elementarya sa Nuro Central Elementary School sa Upi.

Malaki ang pasasalamat ni Ariston sa PSHS-CMC na aniya’y may malaking papel sa paghubog ng kanyang isipan, pagkatao, at tagumpay.

Ang kanyang tagumpay ay hindi lamang personal na karangalan, kundi simbolo rin ng pag-angat at potensyal ng mga katutubong Teduray sa larangan ng edukasyon.