Matagumpay na nailigtas ng mga awtoridad ang isang biktima ng umano’y kidnapping sa Malabang, Lanao del Sur noong Agosto 26, 2025. Agarang rumesponde ang pinagsanib na puwersa ng Lanao del Sur Police Provincial Office at Special Action Force matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente.

Nahuli ang sasakyan ng mga suspek sa isang COMELEC checkpoint sa Barangay Matalin, na nagresulta sa ligtas na pagsagip sa biktima. Kinilala ang mga naaresto bilang sina alias Ansare, 47, at alias Ali, 50, na kapwa mula sa Sultan Naga Dimaporo. Nasamsam din sa kanila ang dalawang caliber pistols.

Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Malabang Municipal Police Station at inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanila, kabilang ang kidnapping (R.A. 1084), illegal possession of firearms (R.A. 10591), at paglabag sa COMELEC Gun Ban.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis na aksyon ng mga operatiba at binigyang-diin ang malaking ambag ng komunidad sa pag-uulat ng krimen. Aniya, ang nasabing operasyon ay patunay ng dedikasyon ng PRO BAR sa paglaban sa kriminalidad at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.