Eksaktong alas-4:26 ng hapon noong Hulyo 16, 1990, yumanig ang isang napakalakas na lindol sa Luzon na may lakas na Magnitude 7.8, ayon sa PHIVOLCS at USGS. Ang epicenter nito ay natukoy sa Rizal, Nueva Ecija, ngunit ramdam ang matinding pagyanig sa malaking bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon.

Sa loob ng 45 segundo, nag-iwan ito ng malawakang pinsala sa mga lungsod ng Baguio, Dagupan, Cabanatuan, at ilang bahagi ng La Union. Tumumba ang mga gusali, nagbitak ang mga kalsada, at gumuho ang mga kabahayan. Tinagurian itong “killer quake” matapos makapagtala ng 1,600 hanggang 2,400 nasawi, higit 3,000 sugatan, at mahigit 126,000 katao ang nawalan ng tirahan.

Sa La Union, malubha ang epekto sa mga bayan ng Agoo, Aringay, Caba, Santo Tomas, at Tubao. Maraming estruktura ang gumuho, at naitala ang hindi bababa sa 32 nasawi sa lalawigan.

Sa Baguio City, gumuho ang mga prominenteng gusali gaya ng Hyatt Terraces Hotel at Nevada Hotel. Halos tatlong araw na-isolate ang lungsod dahil sa landslide na nagsara sa mga pangunahing kalsada. Hirap ang rescue operations bunsod ng sirang komunikasyon, kakulangan sa tubig at kuryente, at limitado ang access sa mga sasakyan.

Sa Cabanatuan City, gumuho ang isang anim na palapag na gusali ng paaralan — ang Christian College of the Philippines — na ikinasawi ng ilang guro at estudyante na naipit sa mga guho.

Dahil sa tindi ng trahedya, agarang rumesponde ang mga lokal at pambansang ahensya, kasama ang international teams mula sa Singapore at iba pang bansa. Nagtulungan din ang mga volunteer miner at rescuers sa paghahanap ng mga survivor.

Nagsilbing wake-up call ang lindol na ito sa kahalagahan ng kahandaan. Kasunod nito, pinaghigpit ang building codes at isinulong ang regular na earthquake drills sa buong bansa.

Ngayong araw, 35 taon mula nang yumanig ang Luzon, muling inaalala ng bansa ang mapait na bangungot ng killer quake — isang paalala na hindi natin kayang pigilan ang lindol, pero kaya natin paghandaan ang panganib.