Sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur ngayong Biyernes, March 6, 2026 dahil sa nagpapatuloy na armadong alitan sa ilang bahagi ng lugar.

Ito ay matapos lagdaan ni Victor Samama ang Executive Order No. 010, Series of 2026 na nag-uutos ng pansamantalang suspensyon ng klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang school personnel.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nakatanggap sila ng mga ulat mula sa mga awtoridad at opisyal ng barangay tungkol sa umiiral na sitwasyon ng seguridad sa ilang komunidad na posibleng magdulot ng panganib sa mga residente, lalo na sa mga estudyante.

Dahil dito, inatasan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kasama ang Philippine National Police at mga opisyal ng barangay na mahigpit na bantayan ang sitwasyon at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Batay sa kautusan, inaasahang magbabalik ang klase sa March 9, 2026 maliban na lamang kung maglalabas ng panibagong abiso ang lokal na pamahalaan sakaling hindi pa tuluyang maging maayos ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Agad namang ipinatupad ang naturang kautusan matapos itong lagdaan ngayong araw.