Inaprubahan ng Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws ng Bangsamoro Parliament noong Huwebes, Enero 22, ang ilang pagbabago sa Electoral Code ng rehiyon na magpapahintulot sa mas maraming partido at komunidad na lumahok sa nalalapit na unang parliamentary elections.
Ayon kay Committee Chair Sittie Fahanie Uy-Oyod, ang pag-apruba ay kasalukuyang nasa antas lamang ng komite at ang panukala ay dadaan pa sa masusing deliberasyon ng buong lehislatura sa plenaryo sa darating na sesyon sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng komite-approved BTA Bill No. 419, bumaba ang kinakailangang bilang ng miyembro ng mga rehiyonal na partidong pampulitika mula 10,000 hanggang 5,000, na nagbibigay ng pagkakataon sa mas maliliit at community-based na grupo na mag-organisa at makipagkompetensya sa eleksyon.
Kabilang rin sa mga reporma ang obligasyon ng mga partido na maglagay ng hindi bababa sa 30 porsyentong kababaihan bilang nominado, upang masiguro ang makabuluhang partisipasyon ng kababaihan sa mga posisyon ng pamumuno.
Bumaba rin ang minimum vote requirement para sa mga partido upang magkaroon ng kinatawan sa Parliament, mula sa nakaraang threshold patungo sa 2.5 porsyento ng kabuuang valid votes, na nagbibigay-daan sa mas maliliit na partido na manalo ng upuan at mas maipakita ang iba’t ibang boses ng mga botante sa Bangsamoro.
Kasama rin sa panukala ang pagsabay ng halalan ng mga sectoral representatives—maliban sa non-Moro Indigenous Peoples, ulama, at tradisyonal na lider—sa unang parliamentary elections, kapalit ng dating assembly-based process.
Dagdag pa rito, itinatag ng panukala ang isang komprehensibong proseso ng sertipikasyon para sa mga sectoral organizations at sectoral wings ng mga pampulitikang partido.

















