Bumanat sa isinagawang Privilege Speech sa konseho ng Sangguniang Panglungsod ng Cotabato kahapon ang nananahimik na si City Councilor Japal Jayjay Guiani III.

Sa naging laman ng privilege speech nito, ibinuyangyang nito sa konseho ang aniya ay pagmamalabis sa kapangyarihan ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa mukha mismo ng alkalde at ng mga kasama nitong konsehales sa loob ng session hall ng siyudad.

Isa na rito ang minadaling pagtanggal ng 3,000 na Contract of Service Workers ng Cotabato City na kung saan ay hindi pa ito ipinapaliwanag ang naging dahilan ng pagtatanggal at kung saan napunta ang pondo na para sa mga ito.

Hindi pa riyan natatapos dahil inisa-isa rin ni Guiani ang mga maaring kaharapin na kaso ni Matabalao dahil sa pagmamalabis nito sa kapangyarihan at ng noon ay majority members ng konseho dahil sa pagsunod nito sa mga kapritso na inuutos ng alkalde.

Di rin nito pinalampas ang kasinungalingan ni Matabalao na binuga sa social media noong nakaraang linggo nang magsagawa ito ng pressconference sa mismong Sangguniang Panlungsod Session hall na para sa kanya ay isang panghaharass sa institusyon.

Nagpaalala naman si Guiani na magkaiba ang trabaho ng ehekutibo at ng lehislatibo at hindi dapat panghimasukan ito ng alkalde. Maging aniya ang pagdamay ni Matabalao sa kaniyang pamilya maging sa ama nito na si late Mayor Jojo Guiani at sa tiyahin nitong si Former Mayor Cynthia Sayadi ukol sa tinatawag na Broce Properties ay hindi rin pinalampas ng naturang mambabatas.

Sinabi nito na isa rin si Matabalao sa nagapruba ng nasabing propriedad kaya kasangkot din sya dito at hindi nya dapat pang buhayin ang mga nakaraan nang isyu para maisalba nya ang kanyang sarili sa kahihiyan na idinulot ng kontrobersya niya at ng Sangguniang Panlungsod ng Cotabato hinggil sa mga di nito masagot na isyu at tanong.

Aniya, hindi niya kinayang maging tahimik sa mga ibinabatong paninira sa kanila ng naturang alkalde sa pamamagitan ng isang FB live post na binura din ng alkalde kinalaunan.

Dagdag pa ni Guiani, hindi naman din daw sya katulad ni Matabalao na tila takaw atensyon at ang lahat ay may nakasunod na media at camera ngunit sumobra na sa linya si Matabalao kung kaya’t pati siya at si Former Mayor Cynthia ay sumagot na sa mga paratang nito.

Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang kanyang mga kapwa konsehal, maging ang alkalde na si Matabalao at bise alkalde na si Butch Abu na magpakatotoo at maging responsable sa mga aksyon dahil ang nakataya dito ay ang mamamayan ng siyudad.

Nasa FB page ni Konsehal Jayjay Guiani ang buo at detalyadong transkrip ng nasabing malayang pagtatalumpati.