Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang kasalukuyang konsehal ng bayan ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur, na matagal nang pinaghahanap dahil sa kasong double murder.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Allan,” na nadakip batay sa warrant of arrest na inilabas ng Shariff Aguak Regional Trial Court noong Oktubre 11, 2023. Ayon sa nasabing kautusan, walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng akusado. Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang umano si Allan sa 22 kataong sangkot sa isang pagsabog na naganap noong Agosto 16, 2023 sa Sitio Patawali, Barangay Ganta, Shariff Saydona Mustapha, sa nasabing lalawigan.
Target umano ng nasabing pag-atake ang grupo ng mga opisyal ng barangay na pinamumunuan ni Kapitan Jun “Datumanot” Silongan. Sa naturang insidente, nasawi si Kapitan Silongan, habang malubhang nasugatan si Kagawad Salik Katua at walong iba pa.
Kalaunan ay binawian din ng buhay si Katua dahil sa tinamong mga sugat mula sa pagsabog. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG upang matukoy ang iba pang kasamahan ng suspek at kung ano ang tunay na motibo sa likod ng krimen.