Matagumpay na isinagawa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang public consultation para sa proposed districting bill na gagamitin bilang batayan ng unang Bangsamoro Parliamentary Elections sa 2026.

Pinangunahan ni Member of Parliament Butch Malang ang konsultasyon na nakatuon sa mga lider mula sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ayon kay Malang, inaasahang magkakaroon ang SGA ng dalawang puwesto sa hinaharap na parlamento. Sa anim na nakabimbing panukalang batas, lima ang sumusuporta sa paglalaan ng dalawang seats.

‎“We came here to gather the ideas of our people in the SGA,” Ani Malang.

Layunin ng konsultasyon na makuha ang opinyon at suhestyon ng mga stakeholder tungkol sa redistricting. Ayon kay Malang, mahalagang marinig ang sentimyento ng mga residente upang maging patas at akma ang magiging parliamentary districts.

Ayon naman kay Atty. Joyce Moran, Election Officer IV ng Datu Odin Sinsuat, naging maayos at produktibo ang talakayan. Sinabi niyang karamihan ng dumalo ay sang-ayon sa mga inilatag na proposal at walang naging malaking pagtutol, taliwas sa mga naunang konsultasyon sa ibang lugar.

‎“In previous consultations, there were oppositions. But here in the SGA, the result was good, peaceful, and most participants agreed,” saad ni Moran.

Binigyang-diin nina Malang at Moran na dahil sa limitadong panahon, kailangan nang maipasa ang districting bill sa lalong madaling panahon upang hindi maantala ang paghahanda para sa unang regional elections na target isagawa sa Marso 2026.

‎“We are glad that the consultations on the districting bills are progressing because it shows a clear future — that elections will finally happen next year,” dagdag ni Moran.

Bukod sa konsultasyon sa SGA, nagsagawa rin ng katulad na aktibidad ang BTA sa Isabela City, Basilan, na nagkaroon din ng positibong tugon mula sa mga kalahok.

Ayon sa mga opisyal, ang pagpapatuloy ng konsultasyon ay indikasyon na nagpapatuloy ang proseso para sa nalalapit na unang parliamentary elections ng Bangsamoro region sa susunod na taon.