Matagal nang nananawagan ang mga estudyante at guro na palitan ang principal ng Col. Ruperto Abellon National School (CRANS) sa Laua-an, Antique.

Ang principal ay si Venus Divinia Nietes, na naging kontrobersyal matapos niyang ipatanggal sa mga estudyante ang toga sa kanilang End-of-School-Year (EOSY) rites noong Abril 15.

Noong Setyembre 2023, mahigit 500 estudyante at higit 20 guro ang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap mismo ng paaralan upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa pamumuno ni Nietes dahil sa umano’y pambubully, pananakot, at pang-aabuso sa kanyang posisyon.

Matatandaang si Laua-an, Antique Mayor Aser Baladjay mismo ang nanawagan sa Department of Education na gumawa ng paraan upang mailipat si Nietes sa ibang lugar.

Ayon kay Baladjay, bago pa man italaga si Nietes sa kanilang bayan, naging magulo na rin ang sitwasyon sa dalawang paaralan na kanyang pinanggalingan.

Sa Culasi at Tobias Fornier, sinampahan din si Nietes ng mga kaso at may mga petisyon mula sa mga magulang at guro na siya’y tanggalin sa puwesto.

Dagdag pa niya, tila wala nang local government unit na handang tumanggap kay Nietes dahil sa kanyang ugali.