Pinagtibay ng 38th Infantry Battalion ng Philippine Army at ng 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front ang kanilang koordinasyon bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Sur.


Isinagawa ang high-level coordination meeting sa Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan sa pangunguna ni LTC Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38IB, at ni Ustadz Abdulwahid Tundok ng 118th Base Command ng MILF.

Naging katuwang sa pagpupulong ang Joint Peace and Security Team (JPST) Kitango at ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) upang matiyak ang maayos at malinaw na ugnayan ng magkabilang panig.

Pinagtuunan sa pulong ang mas pinaigting na koordinasyon, kabilang ang pag-aayos ng sistema ng komunikasyon at pagtutugma ng mga hakbang sa seguridad upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.

Nagkasundo rin ang militar at MILF na patuloy na suportahan ang umiiral na peace process at tiyaking agad na mareresolba ang anumang isyu sa pamamagitan ng direktang ugnayan upang maiwasan ang tensyon o hindi pagkakaintindihan.

Ayon sa magkabilang panig, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan upang mapanatiling matatag ang seguridad at maisulong ang kapayapaan at kaunlaran para sa mga residente ng Maguindanao del Sur.

PHOTO FROM 38th Infantry We Clear Battalion