Katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagpapaigting ng transparency sa gobyerno sa pamamagitan ng inilunsad na “integrity chain” gamit ang blockchain technology.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, makakatulong ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for Nation Accountability (CADENA) Bill, na isinusulong ni Senador Bam Aquino, sa pagsugpo ng korapsyon. Binigyang-diin niya ang pangunguna ni Senador Aquino sa pagsusulong ng panukalang batas na itinuturing mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “legislative priority.”
Aniya, sa pagpasa ng CADENA Bill, magkakaroon ang publiko ng mas madaling access sa pondo ng bayan, na makakatulong upang maiwasan ang anomalya at matiyak ang tibay ng mga itatayong imprastraktura.
Samantala, tiniyak ng DICT na ligtas at may integridad ang inilunsad na blockchain system, ayon kay Secretary Henry Rhoel Aguda. Ayon sa kanya, ang sistema ay may “checks and balances” at bukas sa publiko, kaya’t may kakayahan ang mamamayan na beripikahin ang mga transaksyon ng pamahalaan.
Ang blockchain ay magsisilbing repositoryo ng datos ng mga transaksyon ng pamahalaan, kung saan direktang napupunta ang impormasyon mula sa bawat departamento, tulad ng DPWH, na kamakailan ay naharap sa kontrobersyal na anomalya sa flood control. Giit ni Aguda, madali rin nitong matutunton at mairekord ang anumang error o pagbabago sa datos, kaya’t mas mabilis ang pag-resolba sa mga problemang teknikal at paniniguro sa transparency.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, layunin ng gobyerno na mas mapalapit sa publiko ang impormasyon, mapaigting ang transparency, at mabawasan ang korapsyon sa mga proyekto at transaksyon ng bansa.

















