Naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025, na naglalayong baguhin ang mga distrito sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa special en banc session noong Setyembre 15, 2025, pinagsama ng Korte Suprema ang dalawang petisyon—G.R. No. E-02219 at G.R. No. E-02235—na parehong tumutuligsa sa bagong batas. Ang naturang TRO ay agarang ipinatupad upang pansamantalang ipatigil ang Commission on Elections (COMELEC), Bangsamoro Transition Authority (BTA), at iba pang kinauukulan sa pagpapatupad ng BAA 77 habang dinidinig pa ang kaso.

Matatandaang ipinasa ng BTA ang BAA 77 noong Agosto 19, 2025, limang araw matapos magsimula ang election period na itinakda ng COMELEC para sa halalan sa Oktubre 13, 2025. Nilalaman ng batas ang muling paghahati at pagreredistrito ng mga parliamentary seats sa BARMM, kabilang ang pitong puwesto na dati ay nakatalaga sa lalawigan ng Sulu.

Ayon sa mga petitioner, nilabag umano ng BAA 77 ang Voter’s Registration Act at iba pang probisyon para matiyak ang malinis, mapayapa, at patas na halalan. Giit nila, labag ito sa Konstitusyon at maaaring makaapekto sa kredibilidad ng darating na halalan sa rehiyon.

Inatasan naman ng Korte Suprema ang COMELEC at BTA na magsumite ng kanilang komento sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng abiso.