Tuloy-tuloy ang excitement sa Cotabato City sa nalalapit na Shariff Kabunsuan Festival 2025 ngayong Disyembre. Handa na ang Calendar of Activities para sa selebrasyon, isang buong buwan ng pag-alala at pagkilala sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng lungsod.
Sa temang “Grounded in Faith, Strengthened by Culture, Driven by Transformation”, layunin ng festival na itaguyod ang kultura, tradisyon, at pagkakaisa ng komunidad, habang pinapahalagahan ang relihiyosong pamana at sining ng Cotabato City.
Bilang bahagi ng selebrasyon, inihanda ang iba’t ibang aktibidad mula Disyembre 1 hanggang 31, kabilang ang Trade Fair na tumutok sa lokal na produkto at sining; SK Pickleball Tournament, SK Open Invitational Basketball Tournament, at 2nd SK Chess Inter-Barangay Tournament; 6th Mayor Bruce Matabalao Badminton Tournament, Open Invitational Men’s Volleyball Tournament, at Tennis Tournament; Kuyog & Street Dance Competition at Islamic Competition; Kulintang Ensembles Competition at SK Mountain Bike Challenge; Shariff Kabunsuan Run; Bangkarrera, Motocross Competition, at iba pang traditional sports.
Bukod sa mga kompetisyon, tampok din ang Grand Parade, Guinakit Fluvial Parade, Grand Pagana, at ang Groundbreaking Ceremony ng Old City Hall Restoration Project, na naglalayong itaguyod ang urban development habang pinapahalagahan ang kasaysayan ng lungsod.
Inaabangan ng mga residente, lokal na opisyal, at bisita mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon ang mga aktibidad at programa ng Shariff Kabunsuan Festival 2025.

















