Nilinaw ni Member of Parliament Kumander Bravo na hindi layunin ng kanilang isinampang petisyon sa Korte Suprema na pigilan ang nakatakdang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13.‎‎

Ayon kay MP Bravo, ang kanilang hiling ay tiyakin na magiging malinis at naaayon sa batas ang halalan, partikular na ang pagkwestyon nila sa Bangsamoro Autonomy Act No. 77 na nagbabago ng mga distrito.

‎‎Ipinaliwanag din niya na ang inilabas na Temporary Restraining Order o TRO ng Korte Suprema noong Setyembre 16 ay tumutukoy lamang sa pagpapatupad ng redistricting sa ilalim ng BAA 77 at hindi nangangahulugang wala nang eleksyon.‎‎

Dahil dito, umapela si Bravo sa Commission on Elections na huwag itigil ang mga paghahanda para sa halalan upang maiwasan ang kalituhan sa publiko. Dagdag pa niya, ang eleksyon ay nakasaad na sa batas, kaya’t hindi ito dapat maantala dahil lamang sa TRO.‎‎

Inihayag din ng mambabatas na magsasampa sila ng Clarificatory Motion sa Korte Suprema upang higit na malinawan ang isyu at umaasang makapagbibigay agad ng desisyon ang mataas na hukuman.‎‎

Kasabay nito, nanawagan si Bravo sa publiko at sa mga kapwa Bangsamoro na magkaisa at huwag mawalan ng tiwala sa proseso ng eleksyon para sa ikabubuti ng rehiyon.