Isang panukalang batas na naglalayong magpataw ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad para sa mga opisyal ng gobyerno na napatunayang may sala sa mga kasong kaugnay ng korapsyon ang isinulong sa Kamara ng mga Kinatawan.
Ang panukala, na inihain ni Zamboanga Representative Khymer Olaso, ay nakapaloob sa House Bill 11211 o ang “Death Penalty for Corruption Act.”
Sakop ng Panukala
Ayon sa panukala, saklaw nito ang lahat ng opisyal ng gobyerno, mula sa halal at itinalagang opisyal, kabilang ang mga nasa ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura, pati na rin ang mga miyembro ng mga konstitusyonal na komisyon, government-owned and controlled corporations (GOCCs), at iba pang sangay ng gobyerno. Kasama rin sa saklaw ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Mga Kasong Saklaw ng Parusang Kamatayan
Ang mga opisyal na mapapatunayang nagkasala ng mga sumusunod na kaso sa Sandiganbayan ay maaring patawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad:
- Graft – Ayon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kabilang ang mga aksyong nagdudulot ng pinsala sa gobyerno dahil sa pagkiling o paboritismo.
- Malversation of Public Funds – Paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga layuning hindi pinahintulutan.
- Plunder – Pagkakaroon ng hindi bababa sa ₱50 milyong pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan.
Mga Safeguard sa Pagpataw ng Parusa
Sa ilalim ng panukala, hindi maaring isailalim sa firing squad ang sinumang opisyal ng gobyerno, miyembro ng militar, o pulis maliban kung:
- Ang kanilang pagkakasala ay pinagtibay ng Korte Suprema.
- Dumaan ang kaso sa mandatory automatic review process alinsunod sa Saligang Batas at umiiral na mga batas.
- Nasubukan na ng akusado ang lahat ng legal na remedyo, kabilang ang apela at motion for reconsideration.
Ayon kay Olaso, layunin ng mga probisyong ito na tiyakin ang karapatan ng akusado habang sinisiguro na ang parusang kamatayan ay ipapataw lamang kung may malinaw na ebidensiya ng pagkakasala.
“Ang panukalang ito ay naglalayong tapusin ang kultura ng korapsyon sa pamamagitan ng pagpataw ng matinding parusa sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno,” pahayag ni Olaso.