Puno ng pagdadalamhati ang pagsalubong sa mga labi ni Private First Class Anthony Libo-on, 24-anyos at residente ng Arakan, Cotabato, nitong Enero 29, 2026.
Sa pangunguna ng 10th Infantry “Agila” Division at 72nd Infantry “Gabay” Battalion (72IB), ligtas at may pinakamataas na parangal na naiuwi ang mga labi ng nasabing sundalo mula Zamboanga City sakay ng Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force.
Dakong alas-3:51 ng hapon, lumapag ang sasakyang panghimpapawid sa Arakan Central Elementary School sa Barangay Greenfield, na nagsilbing huling pag-uwi ni PFC Libo-on sa kanyang bayan. Mula rito, agad na binuo ang isang convoy na pinangunahan ng 72IB patungo sa tahanan ng pamilya sa Sitio Sabang, Barangay Poblacion, kung saan dumating ang grupo dakong alas-3:57 ng hapon.
Hindi napigilan ang emosyon ng pamilya, lalo na ng asawa at kanilang batang anak, nang pormal na iabot ang mga labi ng sundalo na nakabalot sa watawat ng Republika ng Pilipinas, bilang pagkilala sa kanyang serbisyo at sakripisyo para sa bayan.
Si PFC Libo-on ay kasapi ng 113th Division Reconnaissance Company, 11th Infantry Division, at binawian ng buhay matapos ang isang malungkot na insidente noong Enero 26, 2026 sa Tipo-Tipo, Basilan, habang siya ay off-duty. Ang kanyang pagkasawi ay nagdulot ng matinding lungkot hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa buong komunidad ng Arakan.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakikipaglamay at nagbibigay ng tulong ang 72nd Infantry “Gabay” Battalion sa pamilya Libo-on bilang pagpapakita ng patuloy na suporta at pakikiisa sa kanilang pagdadalamhati. Ayon sa militar, patunay ito na ang hanay ng Sandatahang Lakas ay hindi lamang nagtatanggol sa bayan kundi tumatayong pamilya rin ng bawat sundalong nagsakripisyo ng buhay.
Hinimok ang publiko at ang buong komunidad ng Arakan na mag-alay ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ni PFC Anthony Libo-on. Tiniyak ng 72IB na patuloy nilang susuportahan ang naiwang pamilya at sisiguraduhin ang pagbibigay ng nararapat na parangal sa yumaong sundalo.

















