Isang lalaki ang brutal na binaril hanggang mapatay ng kanyang mismong kapatid sa Barangay Poblacion, Talayan, Maguindanao del Sur, mag-aalas onse ng gabi kagabi.
Ayon kay PSSG Nesrin Kalim, ang punong imbestigador ng Talayan PNP, kinilala ang biktima bilang si Joharie Dawi, 30 anyos at residente ng nasabing lugar, habang ang suspek na kapatid ay nakilalang si “Poks,” 27 anyos.
Umakto ang Talayan PNP matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na nakasaksi sa insidente, kaya’t mabilis na nakarating ang mga awtoridad sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alaman na matagal nang may alitan ang magkapatid, kaya’t nauwi sa barilan ang kanilang pagtatalo.
Ang biktima ay isinugod pa sa pagamutan ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo.
Narekober sa crime scene ang tatlong empty shells ng kalibre 45 na posibleng ginamit ng suspek sa pamamaril sa kanyang kapatid.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga kapulisan upang matukoy ang motibo ng suspek sa brutal na pagpatay sa kanyang sariling kadugo.