Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa loob ng kanyang bahay sa Sitio Bugwak, Barangay Kibia, Matalam, Cotabato, nitong Lunes ng umaga, Hulyo 14, 2025.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Noneng,” nasa wastong edad at residente ng nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, huling namataan si Noneng noong Sabado ng gabi sa isang discohan. Pinaniniwalaang sinundan siya ng hindi pa nakikilalang suspek at pinaslang habang natutulog sa kanyang bahay, madaling-araw ng Linggo.
Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng putok ng baril malapit sa bahay ng biktima noong Linggo ng umaga—oras na pinaniniwalaang isinagawa ang krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng insidente at ang pagkakakilanlan ng suspek. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon upang agad na maresolba ang kaso at mabigyan ng hustisya ang biktima.