Arestado ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang isang lalaki matapos itong tumakbo sa Runway 10 ng Cotabato Awang Airport sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado ng umaga.

Batay sa ulat, dakong alas-6:10 ng umaga nang mapansin ng mga awtoridad sa paliparan ang lalaki na pumasok sa ipinagbabawal na lugar matapos akyatin ang perimeter fence.

Agad kumilos ang mga tauhan ng AVSEGROUP at nasakote ang suspek bago pa ito makalapit sa eroplanong nakatakdang mag-take off. Pinaniniwalaang nagtangkang sumakay ang lalaki sa komersyal na eroplano kahit wala itong kaukulang dokumento o tiket.

Sa isinagawang interogasyon, napansin ng mga pulis na wala sa maayos na kundisyon ang suspek at tila hindi normal ang mga kilos at pagsagot nito.

Narekober din mula sa sling bag ng lalaki ang iba’t ibang ID cards, ATM cards na nakapangalan sa iba’t ibang tao, at iba pang kagamitan na ngayon ay hawak ng mga awtoridad.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cotabato Airport Police Station ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.