Ligtas ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek kagabi sa Sitio Talingco, Barangay Kayaga, Pandag, Maguindanao del Sur pasado alas-8:45 ng gabi, Disyembre 8, 2025.

Kinilala ang biktima na si Ahmed A. Sangkigay, residente ng Datu Paglas, nasa hustong gulang, kasal, at kasalukuyang walang trabaho.

Ayon sa paunang imbestigasyon, sakay ng kanyang Toyota Vios, kulay blackish red at may plakang MBD 9084, patungo si Sangkigay sa Datu Paglas nang sundan siya ng isang motorsiklong sinasakyan ng mga suspek. Pagdating sa lugar ng insidente, ilang ulit siyang pinaputukan gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril, tumama ang bala sa kanang bahagi ng harapang pinto ng sasakyan.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sa hindi matukoy na direksyon.

Nakarekober ang pulisya ng walong basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at mahuli ang mga responsable.